Ang pagbabasa ay hindi lang tungkol sa mga letra sa pahina. Isa rin itong karanasan, lalo na kapag may aktibong participation ang bata. Sa pamamagitan ng interactive reading activities, mas nagiging masigla, masaya, at makabuluhan ang pagbo-bonding ng magulang at anak.
Sabi nga sa Frontiers in Psychology, ang mga bata na nakikilahok sa interactive story sessions ay mas mahusay sa comprehension at storytelling. Ito ay dahil natututo silang magtanong, magpahayag ng saloobin, at magbigay ng sariling interpretasyon.
Narito ang ilang paraan para gawing mas interactive ang pagbabasa ng mga bata.
Activity 1: Ipaliwanag ang Mahihirap na Salita at Konsepto
Bago pa man magsimula ang pagbabasa, alamin muna kung may mga salitang bago o hindi pamilyar sa bata. Kahit malinaw ang pagbasa, mahihirapan pa rin silang intindihin ang kuwento kung hindi nila alam ang ibig sabihin ng ilang salita.
Puwedeng ipaliwanag ang mga salitang ito gamit ang kilos, larawan, o simpleng halimbawa. Kapag naunawaan na ng bata ang mahihirap na salita bago ito mabasa sa kuwento, mas handa at mas kumpiyansa silang magbasa.